• Home
  • Contact
  • FAQs
  Abiva Online Resources

Yunit 1

Mga Akdang Pampanitikan ng Timog-Silangang Asya

Pamantayang Pangnilalaman: Naipamamalas ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga akdang pampanitikan ng Timog-Silangang Asya
Pamantayan sa Pagganap: Nakapagsasagawa ng malikhaing panghihikayat tungkol sa isang book fair ng mga akdang pampanitikan ng Timog-Silangang Asya
Pangkalahatang Layunin ng Yunit 1
  • Nakapaglalarawan, nakapaghahambing, at nakapagsusuri ng iba’t ibang anyo ng panitikan mula sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya
  • Napahahalagahan ang pagiging Asyano sa pamamagitan ng pag-alam sa iba’t ibang tradisyon, paniniwala, at kaugalian ng mga Asyano
  • Nakapagsasaliksik ng mga bagong kaalaman kaugnay ng mga paksang tatalakayin sa klase
  • Nagagamit ang iba’t ibang aralin sa gramatika sa mabisang pagsasalita at pagsulat
  • Nakapanghihikayat sa pamamagitan ng book fair
Panimula
     Sa Yunit 1: Mga Akdang Pampanitikan ng Timog-Silangang Asya, mababasa ang ilang mahuhusay na akdang pampanitikan mula sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya, kabilang ang Pilipinas, Singapore, Indonesia, at Thailand. Ang mga akdang ito ay kapupulutan ng mahahalagang aral na magagamit sa pang-araw-araw na buhay. Sa pamamagitan ng mga akdang ito, inaasahang maipamamalas ng mga estudyante ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga akdang pampanitikan mula sa rehiyong ito ng Asya, gayundin sa mga kaugalian, tradisyon, at kultura ng mga tao rito.
     Sa yunit ding ito pag-aaralan ng mga estudyante ang iba't ibang kasanayang pangwika gaya ng wastong paggamit ng mga pang-ugnay at mga salita o ekspresyon sa pagsusunod-sunod ng pangyayari, pagbibigay ng opinyon, pagpapahayag ng damdamin, pagpapahayag ng pagsang-ayon o katotohanan, at pagbibigay ng kongklusyon. Inaasahang magagamit nila ang mga kasanayang ito sa pagbuo ng malikhaing panghikayat para sa isasagawang book fair tampok ang mga aklat/akda mula sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya.
Mahahalagang Tanong Para sa Yunit 1
  • Paano maipamamalas ang pag-unawa at pagpapahaaga sa mga akdang pampanitikan mula sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya?
  • Paano makatutulong sa mabisang pagpapahayag–lalo na sa panghihikayat ng opinyon, emosyon, at katotohanan–ang wastong paggamit ng mga pang-ugnay at ang kasanayan sa pagbibigay-kongklusyon?

Layunin Para sa Panimulang Pagtataya
  • Natutukoy ang dating kaalaman at kasanayan sa pamamagitan ng panimulang pagtataya
  • Naiisa-isa ang mga kaalaman at kasanayan na dapat na palalimin at palawakin
Pamamaraan
Panimula at Pagganyak
  1. Sabihin sa mga estudyante na may sasagutan silang pagtataya. Ipaliwanag sa kanila na layunin nitong malaman ang kanilang dating kaalaman at kasanayan, gayundin ang mga konseptong hindi pa nila alam.
  2. Ipaalam din sa kanila na ang iskor na makukuha sa pagtataya ay magsisilbi lamang gabay ng guro at hindi isasama sa pagmamarka.​​
Pagsusuri at Pagtalakay
  1. Pasagutan sa mga estudyante ang Panimulang Pagtataya para sa Yunit sa mga pahina 3 hanggang 5 ng batayang aklat. Bigyan sila ng sapat na oras sa pagsagot.
  2. Sabihin sa mga estudyante na magpalitan ng aklat upang iwasto ang kanilang mga sagot.
  3. Mas mabuti kung malalaman ang bilang ng mga estudyante na nakakuha ng tamang sagot sa bawat aytem. Sa ganitong paraan, mas mabibigyan ng pansin at pagsasanay ang mga konsepto na hindi nila lubos na nauunawaan at ang mga konseptong hindi pa nila alam.​
Pagbubuod
  1. Itanong sa mga estudyante ang kanilang natuklasan sa kanilang sarili, kaugnay ng kanilang kaalaman at kasanayan, matapos masagutan ang pagtataya.
  2. Tumawag ng ilang estudyante upang magbahagi ng sagot. 
Takdang-aralin
Ipabasa ang kuwentong "Ang Ama" sa mga pahina 7 hanggang 10 ng batayang aklat.

  • Aralin 1: Pagmamahal sa Pamilya
  • ​Aralin 2: Pagpapahalaga sa mga Gawain
  • Aralin 3: Pagpapahalaga sa Sariling Kultura
  • Aralin 4: Paghangad ng Kalayaan
  • Aralin 5: Pagbabalik-loob sa Poong Maykapal
  • Aralin 6: Pagpapahalaga sa Kapuwa
  • Panapos na Gawain
  • ​Susi sa Pagwawasto
Yunit 1
Next
Abiva Building., 851 G. Araneta Avenue, 1113 Quezon CIty, Philippines

TEL. (632) 8712 - 0245 to 49 / 8740 - 6603 | Fax: (632) 8712 - 0486 | E-MAIL wecare@abiva.com.ph

​COPYRIGHT 2015 ABIVA PUBLISHING HOUSE INC. ALL RIGHTS RESERVED.
© COPYRIGHT 2015. ALL RIGHTS RESERVED.
  • Home
  • Contact
  • FAQs