Yunit 1
Pasalamatan ang Lumikha
Aralin 1
Pangalagaan ang Kalikasan
Pahina 2–10; Apat na araw
MGA LAYUNIN NG LEKSIYON AT KATUMBAS NA K–12 KOMPETENSI
Layunin
|
K–12 Kompetensi
|
|
|
MGA ESENSIYAL NA KATANUNGAN
- Paano mo maipamamalas ang pagpapahalaga sa kalikasan?
- Paano mo magagamit ang wika sa paggawa ng patalastas kaugnay sa pangangalaga sa kalikasan?
- Bakit mahalagang matutuhan ang mga uri ng pangngalan at panghalip, pati ang wastong paggamit nito sa pagpapahayag lalo na sa pagbibigay ng impormasyon gaya ng sa patalastas?
TEKNOLOHIYA AT MGA SANGGUNIAN
MGA KAGAMITAN
- recording o music video ng awiting “Masdan Mo ang Kapaligiran” ng Asin
- music player
- speaker
- computer
- LCD projector
- video ng isang balita tungkol sa bagyong Yolanda
- music video ng awiting “Kapit-Kamay (Awit sa mga Biktima ng Bagyong Yolanda)" ni Danny Fabella
- video ng isang patalastas
- music video ng awiting “Paligid” ni Gary Granada
BANGHAY-ARALIN
Unang Araw
Pagtuklas
- Gamit ang estratehiyang Think-Pair-Share, hayaan ang mga pares ng mga mag-aaral na mag-isip at magbahaginan tungkol sa kalagayan ng kalikasan ng ating bansa. Ipabahagi ang kanilang mga ideya sa klase.
- Iproseso ang gawain sa pamamagitan ng pagsagot nila sa sumusunod na mga tanong:
a. Bakit nagkaganito ang kalagayan ng kalikasan ng ating bansa, maging ng daigdig?
b. Nais mo bang maibalik ang dating kagandahan ng kalikasan ng mundo? Bakit? - Ipagawa sa mga mag-aaral ang gawain sa Simulan sa pahina 2 ng batayang aklat. Sa nakalaang espasyo, iguguhit nila ang pinapangarap nilang isang malinis at maayos na kapaligiran.
- Iproseso ang gawain matapos maiguhit ang larawan. Itanong sa mga mag-aaral: Magagawa pa ba nating maibalik ang dating kagandahan ng kalikasan ng mundo? Paano kaya ito magagawa?
- Ipakita at ipabasa sa mga mag-aaral ang mahahalagang tanong kaugnay ng aralin.
a. Paano mo maipamamalas ang pagpapahalaga sa kalikasan?
b. Paano mo magagamit ang wika sa paggawa ng patalastas kaugnay sa pangangalaga sa kalikasan?
c. Bakit mahalagang matutuhan ang mga uri ng pangngalan at panghalip, pati ang wastong paggamit nito sa pagpapahayag lalo na sa pagbibigay ng impormasyon gaya ng sa patalastas? - Ipasagot sa mga mag-aaral ang gawain sa Palawakin sa pahina 5. Dito'y bubuo sila ng mga salita mula sa mga letra ng salitang kalikasan. Matapos nito ay ipagamit ang mga mabubuong salita sa makabuluhang pangungusap.
Paglinang
- Iparinig sa klase ang awiting "Masdan Mo ang Kapaligiran" ng grupong Asin. Maaari ding ipanood sa kanila ang video nito mula sa www.youtube.com/watch?v=wINpYbATXjM o ibang katulad na sanggunian.
- Gamit ang estratehiyang socialized recitation, itanong sa mga mag-aaral ang sumusunod bilang pag-uugnay sa akdang babasahin.
a. Ano ang mensahe ng awiting inyong napakinggan?
c. Sa kasalukuyan ba ay napapanahon pa rin ang mensahe nito? Bakit?
d. Ano ba ang tungkulin nating mga tao sa pangangalaga ng daigdig?
e. Kung makapagsasalita ang Inang Kalikasan, ano kaya ang kaniyang sasabihin sa patuloy na pagkasira ng kapaligiran dahil sa mga tao? - Ipabasa sa mga mag-aaral ang kuwentong “Ang Baryo Luntian” sa mga pahina 3 at 4.
- Talakayin ang akda sa pamamagitan ng pagsagot ng mga mag-aaral sa mga katanungan sa Talakayin sa pahina 5. Iproseso ang kanilang mga sagot at bigyang-diin ang mensaheng nais ipabatid ng kuwento.
Pagpapalalim
- Gamitin ang estratehiyang Read and Share. Ipabasa sa mga mag-aaral ang teksto sa Palalimin sa mga pahina 5 at 6. Pagkatapos, talakayin ang nilalaman nito sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga mag-aaral: Paano mo maiuugnay ang iyong sariling karanasan sa binasang teksto? Tumawag ng ilang mag-aaral para sumagot.
- Talakayin nang mabilis kung ano ang talata at kung paano ito binubuo.
- Pagkatapos, pasulatin ang mga mag-aaral ng talata tungkol sa sarili nilang pag-uugnay sa tekstong binasa. Ipasulat sa patlang sa pahina 6 ang kani-kanilang talata na hindi bababa sa limang pangungusap.
- Ipabasa sa ilang mag-aaral ng kanilang gawang talata at iproseso ito sa pagsagot sa tanong: Paano nakatulong sa iyo ang pagsulat ng talata upang ibahagi ang iyong karanasan kaugnay sa kalamidad sa bansa?
D. Paglalagom
- Gamit ang estratehiyang 3-2-1, hayaang magbigay ang mga mag-aaral ng sumusunod:
a. Tatlong kaisipang natandaan o natutuhan
b. Dalawang halimbawa kung paano ito maiuugnay sa buhay
c. Isang tanong na nais pang malaman sa pinag-usapan - Tumawag ng mga mag-aaral para sumagot.
(Paalaala: Sa unang araw ng pasukan, sabihin sa mga mag-aaral na kailangang tipunin nila ang mga susulatin at iguguhit nila sa mga gawain sa klase. Gagamitin nila ito sa paggawa ng portfolio sa pagtatapos ng taon.)
Ikalawang Araw
Panimulang Gawain
- Ipapanood sa klase ang isang ulat tungkol sa bagyong Yolanda. Maaaring gumamit ng video mula sa Internet para dito. Iparinig din ang awiting “Kapit-Kamay (Awit sa mga Biktima ng Bagyong Yolanda)” mula sa www.youtube.com/watch?v=Ty9zHsQBrso.
- Pagkatapos, hikayatin ang mga mag-aaral na magbahagi ng kani-kanilang karanasan kaugnay sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo.
- Iproseso ang mga sagot ng mga mag-aaral, lalo na yaong mga hindi makakalimutang karanasan sa paghagupit ng bagyong Yolanda.
- Muling balikan ang talatang binasa sa Palalimin sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng mga pangngalang ginamit sa loob ng talata.
- Iugnay ang pagtukoy sa mga pangngalan sa teksto sa paksang tatalakayin.
Pagtalakay
- Talakayin ang pangngalan at mga uri nito, gayundin ang panghalip, ayon sa nakasaad sa Alamin sa mga pahina 6 at 7. Ipasagot sa mga mag-aaral ang sumusunod:
a. Ano ang pangngalan?
b. Ano ang dalawang uri ng pangngalan?
c. Uriin ang mga pangngalang nakasulat sa pisara.
d. Ano ang ginagamit na panghalili sa mga pangngalang salita?
e. Paano inuuri ang panghalip?
f. Magbigay ng mga halimbawang salita para sa bawat panauhan, kailanan, at kaukulan ng panghalip.
g. Gamitin ang mga halimbawang panghalip sa pangungusap. - Ipasagot sa mga mag-aaral ang mga pagsasanay sa Kaya Mo Ito at Gawin Mo sa mga pahina 8 at 9. Iwasto ang kanilang mga sagot.
- Upang tiyakin ang pagkaunawa ng mga mag-aaral sa aralin, ipagawa sa kanila ang gawain sa Magsanay Pa sa pahina 9.
C. Paglalagom
- Hayaang lagumin ng mga mag-aaral ang paksang tinalakay gamit ang estratehiyang Lap-Clap-Click. Ituro muna kung paano ginagawa ang ritmo (isang tapik sa hita, isang palakpak ng mga kamay, at isang pitik ng mga daliri).
- Sa pagpitik ng daliri, mabilis na magbigay ng uri ng pangngalan o panghalip at tumawag ng mag-aaral na sasagot. Kailangang agad siyang makapagbigay ng salita batay sa uring nabanggit. Ulit-ulitin ito hanggang sa mahasa ang mga mag-aaral sa pagbibigay ng mga halimbawang salitang pangngalan at panghalip.
- Ipabasa ang nakasaad sa Tandaan sa pahina 8.
Ikatlong Araw
Paglalapat
- Magpakita ng video ng isang patalastas mula sa YouTube o ibang katulad na sanggunian. Talakayin ang impormasyong nakapaloob dito sa pamamagitan ng pagtatanong ng sumusunod:
a. Tungkol saan ang videong napanood?
b. Ano ang mga mahahalagang impormasyong nakapaloob sa video?
c. Ano ang tawag sa videong napanood? - Talakayin sa klase kung ano ang patalastas at ang iba’t ibang anyo ng patalastas.
- Bilang paglalapat sa araling tinalakay, hatiin ang klase sa pangkat upang isagawa ang gawain A sa Gamitin sa pahina 10. Bawat pangkat ay atasang bumuo ng patalastas tungkol sa pangangalaga sa kalikasan.
- Matapos nito ay ipabahagi sa mga pangkat ang gawang patalastas sa klase. Ipasuri sa mga pangkat ang binuong patalastas ng bawat isa.
- Upang matiyak ang pagkatuto ng mga mag-aaral ay ipagawa ang gawain B sa Gamitin B sa pahina 10. Pasulatin sila ng limang proyekto na kayang gawin ng kabataan para mapangalagaan ang kalikasan. Matapos nito ay ipabahagi sa klase ang mga naisip na proyekto.
Ikaapat na Araw
Paglalahat
- Ipasagot sa mga mag-aaral ang mga mahahalagang katanungan kaugnay ng aralin:
a. Paano mo magagamit ang wika sa paggawa ng patalastas kaugnay sa pangangalaga sa kalikasan?
b. Bakit mahalagang matutuhan ang mga uri ng pangngalan at panghalip, pati ang wastong paggamit nito sa pagpapahayag lalo na sa pagbibigay ng impormasyon gaya ng sa patalastas? - Iproseso ang mga sagot ng mga mag-aaral.
Pagpapahalaga
- Iparinig ang awiting “Paligid” ni Gary Granada mula sa www.youtube.com/watch?v=E3PUcSJpwfg o ibang katulad na sanggunian.
- Atasan ang mga mag-aaral na sumulat ng talatang may limang pangungusap tungkol sa mahalagang ideya o aral na makukuha nila mula sa awit. Pasalungguhitan ang mga pangngalan at panghalip na ginamit.