Yunit 1
Ang Lumikha at Tayong Nilikha
Aralin 1
Nagpapakilala Po
Pahina 2–13; Apat na araw
MGA LAYUNIN NG LEKSIYON AT KATUMBAS NA K–12 KOMPETENSI
Layunin
|
K–12 Kompetensi
|
|
|
MGA ESENSIYAL NA KATANUNGAN
- Paano ang wastong pagpapakilala ng sarili?
- Paano mo magagamit ang pangngalan sa wastong pagpapakilala ng sarili?
- Bakit mahalagang makilala ang mga salitang pangngalan?
MGA SANGGUNIAN
- aklat na Wikang Sarili 3
MGA KAGAMITAN
- yeso
- papel at lapis
PAMAMARAAN
Unang Araw
Pagtuklas
- Tanungin ang mga mag-aaral: Bakit mahalagang ipakilala ang sarili sa mga taong hindi kakilala o kakikilala pa lamang?
- Ipagawa sa mga mag-aaral ang gawain sa Simulan sa pahina 2 ng batayang aklat. Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang sasabihin nila sa pagpapakilala at isulat ang pangungusap sa loob ng speech balloon.
- Tumawag ng ilang mag-aaral upang bigkasin ang kanilang pangungusap na pagpapakilala. Iproseso ang gawain matapos ang pagbabahagi ng sagot sa mga tanong sa pahina 2.
Paglinang
- Sabihin sa mga mag-aaral na mag-isip sila ng magagalang na salitang ginagamit nila araw-araw. Upang maging masigla ang gawain, gamitin ang estratehiyang Lap-Clap-Click. Ituro muna sa mga mag-aaral ang mga gagawin: tapikin ang mga hita, pumalakpak, at ipitik ang mga daliri. Ulit-ulitin ito hanggang sa makuha nila ang ritmo. Kapag handa na, gawin ang mga aksiyon at kasabay ng pagpitik ng daliri, tumawag ng mag-aaral na magsasabi ng naisip niyang magalang na salita. Kailangang mabilis ang kaniyang pagsagot upang hindi maputol ang ritmo. Ulitin at tumawag naman ng ibang mag-aaral para sumagot.
- Ipasagot sa mga mag-aaral ang gawain A sa Palawakin sa pahina 5.
- Ipabasa sa mga mag-aaral ang akdang “Ang Bagong Kamag-aaral” sa mga pahina 3 at 4.
- Gamitin ang estratehiyang Roll the Ball sa pagtalakay sa kuwento. Bilang pag-uugnay sa akdang binasa, ipasagot sa mga mag-aaral ang mga tanong sa Talakayin sa mga pahina 5 at 6.
- Ipagawa sa mga mag-aaral ang gawain B sa Talakayin sa pahina 6.
- Pagkatapos, ipagawa ang gawain C sa Talakayin. Ipasulat sa patlang sa pahina 6 ang kanilang natutuhan sa gawain at ipabasa ang ilan sa harap ng klase.
Paglalagom
- Bilang paglalagom, ipasagot sa mga mag-aaral ang mahalagang katanungan kaugnay sa paksang tinalakay: Paano ang wastong pagpapakilala ng sarili?
- Gamit ang estratehiyang 3-2-1, hayaang magbigay ang mga mag-aaral ng sumusunod:
3 (tatlong) kaisipan na iyong natandaan o natutuhan
2 (dalawang) halimbawa kung paano ito maiuugnay sa iyong buhay
1 (isang) tanong na nais mo pang malaman sa pinag-usapan
Ikalawang Araw
Panimulang Gawain
- Magbalik-aral sa akdang tinalakay sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga mag-aaral:
a. Sino ang bagong mag-aaral sa klase ni Ginoong Elias?
b. Paano siya nagpakilala sa klase?
c. Anong mahahalagang salita ang ginamit ni Sheila sa kaniyang pagpapakilala? - Tumawag ng ilang mag-aaral upang isagawa sa pamamagitan ng maikling pagtatanghal o dula-dulaan ang pagpapakilalang ginawa ni Sheila sa klase at ang pagpapakilala kay Kuya Marlon.
- Iproseso ang ipinakitang pagtatanghal ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtukoy sa kalakasan at kahinaan ng mga pagtatanghal.
Pagpapalalim
- Talakayin ang mahalagang tandaan sa pagpapakilala. Ipasagot sa mga mag-aaral ang sumusunod na mga tanong:
a. Sa ginawang pagpapakilala ni Sheila, ano ang una niyang ginawa?
b. Matapos bumati, ano ang sunod na sinabi ni Sheila?
c. Matapos ibigay ang pangalan, edad, at tirahan, ano pa ang binanggit ni Sheila sa kaniyang pagpapakilala?
d. Nang ipakilala si Sheila ni Maricel sa kapatid nitong si Marlon, sino ang unang ipinakilala?
e. Ano ang dapat tandaan sa pagpapakilala ng nakababata? kung ang ipinakikilala ay isang babae o lalaki?
f. Nagpakita ba ng paggalang ang pagpapakilala kay Sheila sa kapatid ni Maricel na si Marlon? Paano? - Ipabasa sa mga mag-aaral ang nakasaad sa Palalimin sa mga pahina 6 at 7 kaugnay sa mga dapat tandaan sa pagpapakilala.
- Ipasagot sa mga mag-aaral ang pagsasanay sa Palalimin sa mga pahina 7 at 8.
C. Paglalagom
- Bilang paglalagom, ipasagot sa mga mag-aaral ang mahalagang katanungan kaugnay sa paksang tinalakay: Bakit mahalagang sundin ang pamamaraan sa pagpapakilala?
- Iproseso ang mga sagot ng mga mag-aaral upang linawin ang kanilang pagkaunawa sa tinalakay na aralin.
Ikatlong Araw
Panimulang Gawain
- Hatiin ang klase sa tatlo o apat na pangkat para sa gagawing larong Pass the Message. Magbigay ng salita sa mag-aaral na nasa unahan ng bawat hanay. Ipapasa niya ang salita sa pamamagitan ng pagbulong sa kasunod niya sa hanay. Uulitin ito hanggang sa makaabot ang salita sa huling mag-aaral sa hanay na siya namang magsusulat sa pisara ng salitang ibinulong. Ang unang pangkat na makapagsusulat ng tamang salita sa pisara ang mabibigyan ng puntos. Ang unang pangkat na magkaroon ng tatlong puntos ang siyang kikilalaning panalo sa pagtatapos ng laro.
- Gamitin ang mga salitang desktop, Melchora Aquino, Santacruzan, Monumento, Luzviminda, gorilla, at iba pang pangngalan.
- Itanong: Anong bahagi ng pananalita ang mga salitang ginamit sa laro?
Pagtalakay
- Muling balikan ang akdang tinalakay sa pamamagitan ng pagsusuri sa bahagi ng kuwentong binasa na makikita sa Alamin sa pahina 9.
- Talakayin ang pangngalan sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong:
a. Ano ang tawag sa mga salitang binigyang-diin sa talata ng kuwentong binasa?
b. Ano ang pangngalan? - Pasagutan sa mga mag-aaral ang pagsasanay A sa Kaya Mo Ito sa pahina 10. Iwasto ang mga sagot.
- Pasagutan din ang mga pagsasanay B at C sa Kaya Mo Ito.
- Ipagawa sa mga mag-aaral ang mga pagsasanay sa Gawin Mo sa pahina 11.
Paglalagom
- Bilang paglalagom, ipasagot sa mga mag-aaral ang mahahalagang katanungan kaugnay sa paksang tinalakay:
a. Paano mo magagamit ang pangngalan sa wastong pagpapakilala ng sarili?
b. Bakit mahalagang makilala ang mga salitang pangngalan? - Iproseso ang mga sagot ng mga mag-aaral upang linawin ang kanilang pagkaunawa sa tinalakay na aralin.
Ikaapat na Araw
Panimulang Gawain
- Gamit ang estratehiyang socialized recitation, magbalik-aral tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng magagalang na salita sa pagpapakilala at paggamit ng pangngalan.
a. Bakit mahalagang gumamit ng magagalang na salita sa pagpapakilala?
b. Paano ginagamit nang wasto ang pangngalan sa pagpapakilala? - Ipabasa sa mga mag-aaral ang mga pangungusap na nakasulat sa Pagsulat at Pagbaybay sa mga pahina 12 at 13.
- Pagkatapos, ipatukoy ang mga pangngalang ginamit sa pangungusap.
Paglalapat
- Sabihin sa mga mag-aaral na magbigay sila ng mga sitwasyon kung kailan ginagamit ang kasanayan sa pagpapakilala. Isa-isahin ang mga sitwasyon sa pamamagitan ng pagsulat nito sa pisara batay sa ibinigay ng mga mag-aaral. Talakayin ito sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong:
a. Alin sa mga isinulat na sitwasyon ang ginagamitan ng kasanayan sa pagpapakilala?
b. Kung ikaw ang magpapakilala sa nasabing sitwasyon, paano mo ito gagawin? - Iugnay ang tinalakay sa pagsasagawa ng gawain B sa Gamitin sa pahina 13.
Paglalahat
- Bilang paglalagom ng aralin, pasagutan nang pasalita sa mga mag-aaral ang mga katanungan sa gawain A sa Gamitin sa pahina 13.
b. Anong kasanayang pansarili ang nahuhubog sa pagpapakilala?
c. Bakit mahalaga ang paggamit ng mga pangngalan sa pagpapakilala?