Yunit 1
Tugon sa Kabutihan ng Maylikha
Aralin 1
Purihin ang Maylikha
Pahina 2–12; Tatlong araw
MGA LAYUNIN NG LEKSIYON AT KATUMBAS NA K–12 KOMPETENSI
Layunin
|
K–12 Kompetensi
|
MGA ESENSIYAL NA KATANUNGAN
- Makabuluhan pa ba ang pagdarasal sa makabagong panahon? Bakit?
- Paano nakabubuo ng mga salita?
TEKNOLOHIYA AT MGA SANGGUNIAN
- aklat na Wikang Sarili 1
MGA KAGAMITAN
- recording ng awit na "Sino Ako?"
- music player/speaker
BANGHAY-ARALIN
Unang Araw
A. Pagganyak
- Ipabasa sa mga mag-aaral ang titik ng awiting "Sino Ako?" ni Fr. Joe Castaneda sa pahina 2 ng batayang aklat. Tanungin kung ano ang kanilang naunawaan sa kanilang binasa.
- Tumawag ng ilang mga mag-aaral upang sumagot sa tanong.
- Iparinig naman ngayon ang awit. Tanungin ang mga mag-aaral kung ano ang kanilang nadama sa kanilang narinig.
- Muling tumawag ng mga piling mag-aaral upang sumagot sa tanong.
- Alamin kung may pagkakatulad ang mga mag-aaral sa kanilang mga nadama dala ng awit.
B. Paglinang
- Gamitin ang appreciation method para sa paglinang ng aralin. Basahin ang tulang "Pagpupuri sa Maylikha" sa pahina 3 habang nakikinig lamang ang mga mag-aaral.
- Muling basahin ito ngunit hayaang tahimik na sumabay ang mga mag-aaral.
- Tumawag ng mga mag-aaral na babasa nang malakas sa mga bahagi ng tula na nagkaroon ng epekto sa kanila.
- Itanong sa bawat mag-aaral na matatawag, "Bakit iyan ang iyong napili?"
- Muling ipabasa sa buong klase ang kabuuan ng tula.
- Iproseso ang gawain sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong na "Sa panahon natin ngayon, nagdarasal ka pa ba? Ano ang nilalaman ng madalas mong idasal?"
- Tumawag ng mga piling mag-aaral upang sumagot sa mga tanong.
- Ipasagot sa mga mag-aaral ang pagsasanay sa Palawakin sa pahina 3 kung saan kailangan nilang ilagay ang mga nawawalang letra upang mabuo ang kasingkahulugan ng mga salitang may salungguhit.
- Ipagawa sa mga mag-aaral ang gawain sa Talakayin sa mga pahina 4 at 5. Iproseso ang kanilang mga sagot.
- Gamit ang simpleng role playing, ipagawa sa mga mag-aaral ang gawain sa Palalimin sa pahina 5. Bigyan lamang ng limang minuto ang buong klase para maghanda bago tumawag ng mga mag-aaral na kusang magtataas ng kamay.
- Atasan ang buong klase na pumili ng tatlong pinakamainam sa pagsasagawa ng role play na siyang bibigyan ng pabuya.
C. Paglalagom
- Ipasagot sa mga mag-aaral ang tanong na "Makabuluhan pa ba ang pagdarasal sa makabagong panahon?"
- Gumawa ng pagta-tally upang makita ang tugon ng lahat sa tanong. Isulat sa pisara ang binary chart kung saan nasa kaliwa ang Makabuluhan Pa at nasa kanan naman ang Hindi na Makabuluhan.
- Hikayating magtaas ng kamay ang mga mag-aaral batay sa kanilang sagot sa tanong. Bilangin ang resulta at itala sa binary chart.
Ikalawang Araw
A. Balik-aral
- Magbalik-aral hinggil sa tinalakay at ginawa noong nakaraang pagkikita.
- Muling itanong sa klase, "Makabuluhan pa ba ang pagdarasal sa makabagong panahon?" Hikayating muling magtaas ng kamay ang mga mag-aaral base sa kanilang sagot (kung makabuluhan pa o hindi na) upang maalala ang resulta ng nakaraang gawain.
- Itanong sa klase kung may nagbago ba sa kanilang pananaw kung makabuluhan pa ba o hindi na ang pagdarasal sa ngayon.
- Isulat sa pisara ang panibagong binary chart ngunit ang ilagay sa kanan ay Nagbago at sa kaliwa naman ay Nanatili.
- Sabihin sa mga mag-aaral na isulat sa bagong binary chart ang dahilan ng pagbabago o pananatili ng kanilang sagot. Sikaping limitahan lamang sa isa o dalawang salita ang kanilang ibibigay na dahilan.
B. Pag-uugnay/Pagtalakay
- Pumili ng mga halimbawang salita mula sa mabubuong binary chart at salungguhitan ang mga ito.
- Talakayin ang mga nakasaad sa Alamin sa mga pahina 5 hanggang 8 at saka gamitin ang mga napiling salita sa binary chart bilang dagdag na mga halimbawa sa pagpapantig at pagbubuo ng mga salita.
- Ipagawa ang pagsasanay sa Kaya Mo Ito sa pahina 8 upang mataya kung naunawaan ng mga mag-aaral ang tinalakay na aralin. Iwasto ang kanilang mga sagot.
- Ipagawa rin ang pagsasanay sa Gawin Mo sa pahina 10. Tumawag ng ilang mag-aaral upang magbahagi ng kanilang sagot. Ipaliwanag kung bakit tama o mali ang ginawang pagpapantig ng mga salita sa bawat bilang upang mas lubos itong maunawaan ng mga mag-aaral.
- Ibigay bilang takdang gawain ang pagsasanay sa Magsanay Pa sa mga pahina 10 at 11.
C. Paglalagom
- Bilang paglalagom sa aralin, itanong sa mga mag-aaral ang mahalagang tanong kaugnay sa paksang tinalakay: Paano nakabubuo ng mga salita?
- Bigyang-diin ang nakasaad sa Tandaan sa pahina 8.
Ikatlong Araw
A. Balik-aral
- Magbalik-aral tungkol sa nakaraang pagtalakay.
- Tumawag ng mga mag-aaral upang ibahagi ang kanilang mga sagot sa takdang gawain.
B. Pagpapalalim
- Isagawa ang gawain sa Gamitin sa pahina 12. Pabilangin ng isa-dalawa, isa-dalawa ang mga mag-aaral para mahati nang pantay ang klase.
- Isulat sa pisara ang tatlong hanay na tulad ng nasa pahina 12. Ilagay sa kaliwang hati ng mga hanay ang Pantig ng Guro, sa gitna ang Pantig Mo, at sa kanan naman ang Salita.
- Dahil pabilisan ito, magtakda ng oras na aangkop sa kakayahan ng mga mag-aaral sa klase. Halimbawa nito ay ang pagbibigay ng sampung segundo upang makaisip ng tamang pantig. Papilahin sa likurang bahagi ng silid ang mga mag-aaral ayon sa dalawang pangkat na nabuo.
- Ang mga mag-aaral ang pipili ng kanilang kinatawan sa bawat bilang. Sabihin sa kanila na magtutulungan ang magkakapangkat sa pagsagot ngunit tanging ang piniling kinatawan lamang ang maaaring pumunta sa pisara para isulat ang sagot upang makontrol ang gawain at hindi magkagulo sa pagpunta sa harapan.
- Pagpasyahan kung sino sa kinatawan ng pangkat ang nanalo sa pagtatapos ng bawat bilang batay sa kung sino ang unang nakapagbigay ng tamang sagot. Sa ganitong paraan, malalaman na agad ng mga mag-aaral ang kanilang ginawa.
- Bigyan ng insentibo ang mananalong pangkat sa pagtatapos ng gawain.
C. Paglalagom
- Ipasagot sa mga mag-aaral ang tanong na "Paano mo malalamang tama ang iyong pagpapantig at pagbubuo ng salita?"
- Gamitin ang teknik na Tapusin ang Aking Pangungusap (Finish my Sentence) para iproseso ang mga sagot sa tanong.
- Sabihin ang mga tamang sagot ngunit sadyang iwan ang mahahalagang salita na dapat matandaan ng mga mag-aaral na siya namang ibibigay nila.
- Lagumin ang aralin sa pagsasabing "Makabubuo ng salita sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng dalawa o higit pang pantig."