Aralin 1
Pagmamahal sa Pamilya
Paksang Aralin
Panitikan: "Ang Ama" (Maikling Kuwento mula sa Singapore)
Gramatika: Mga Salitang Ginagamit sa Pagsusunod-sunod ng Pangyayari
Gramatika: Mga Salitang Ginagamit sa Pagsusunod-sunod ng Pangyayari
Layunin
- Nakapagsusuri ng isang maikling kuwento at telenobela na maiuugnay sa lipunang Asyano sa kasalukuyan
- Nakabubuo ng mga tumpak na paghatol tungkol sa mga kaisipan at kilos
- Nakagagamit ng angkop na mga salita sa pagsusunod-sunod ng pangyayari
Kagamitan
- batayang aklat na Bulwagan 9 Kamalayan sa Gramatika at Panitikan, mga pahina 6–17
- iba’t ibang larawan ng ama [halimbawa: ama ng simbahan (pari, imam, pastor), ama ng bansa (pangulo), ama ng bayan (alkalde), ama ng tahanan]
- hiwa-hiwalay na larawan ng mga pangyayari kaugnay ng isang kuwento
- video ng isang episode ng telenobela
- computer o video player
Bilang ng Sesyon: 4 (isang oras sa bawat sesyon)
Mahahalagang Tanong
- Paano maipakikita ng isang magulang ang pagsisisi sa mga kasalanang nagawa niya sa kaniyang pamilya?
- Ano-anong salita o ekspresyon ang ginagamit sa pagsusunod-sunod ng mga pangyayari sa isang pagsasalaysay?
Pamamaraan
Panimula at Pagganyak
- Ipakita sa klase ang iba’t ibang larawan ng ama: ama ng simbahan, ama ng pamahalaan, ama ng tahanan. Humingi sa mga estudyante ng ilang paglalarawan tungkol sa mga tao sa larawan.
- Gumuhit ng bilog sa pisara at sa loob nito ay isulat ang salitang ama. Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang panimulang gawain sa pahina 7 ng batayang aklat.
- Hingin ang sagot ng mga estudyante at isulat ito sa paligid ng bilog na iginuhit sa pisara.
- Ipasagot sa kanila sa pasalitang paraan ang dalawang tanong na kasunod ng gawain. Magkaroon ng maikling talakayan tungkol sa mga sagot ng mga estudyante.
Pagpapayaman ng Talasalitaan
- Ipabasa at talakayin ang nakasaad sa Tandaan sa pahina 9 tungkol sa denotasyon at konotasyon ng salita.
- Ipasagot ang gawain sa Talasik sa pahina 11.
- Magkaroon ng pagpapalitan ng kuro-kuro tungkol sa mga kahulugang ibinigay at ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang naging batayan sa pagbibigay ng gayong kahulugan.
Pagsusuri at Pagtalakay
- Ipabasa nang tahimik ang maikling kuwentong “Ang Ama” sa mga pahina 7 hanggang 10.
- Magkaroon ng malayang talakayan tungkol sa binasang maikling kuwento. Gawing gabay ang mga tanong sa Muling Pag-isipan sa mga pahina 11 at 12. Idagdag sa talakayan ang sumusunod na mga tanong:
a. Anong damdamin ang nangibabaw sa iyo habang binabasa ang kuwento?
b. Nangyayari din ba sa mga pamilyang Pilipino ang naganap sa pamilya ni Mui Mui? Magbigay ng sapat na patunay.
c. Anong uri ng kuwento ang "Ang Ama"? - Pag-usapan sa bahaging ito ang nakasaad sa Tandaan na mababasa sa pahina 7.
Pagsasanay
- Ipagawa bilang indibidwal na gawain ang pagsasanay A sa Masusing Gampanan sa pahina 12. Matapos masagutan ng mga estudyante ang tsart, pangkatin sila upang makapagpalitan ng sagot. Pumili ng isang kinatawan sa bawat pangkat upang iulat ang pagkakatulad ng mga sagot sa kanilang pangkat.
- Gamit ang parehong pangkatan, ipagawa ang gawain B. Bawat dalawang pangkat ay magtatalo tungkol sa tanong na nasa dayagram. Ipabahagi sa klase ang kongklusyon ng bawat pangkat.
- Para naman sa gawain C sa pahina 13, atasan ang mga estudyante na manood ng telenobela na nagpapakita ng lipunang Asyano sa kasalukuyan. Papunan sa kanila ang dayagram sa pahina 13. Maaari ding pumili ng isang episode mula sa telenobela upang panoorin sa klase. Sa gayong paraan, iisang telenobela lamang ang pag-uusapan ng klase.
- Ipagawa rin ang gawain D. Bilang alternatibo, maaari ding gamitin ang suliraning pampamilya na ipinakita sa telenobelang pinanood.
Paglalahat
- Matapos ang talakayan at mga gawain sa Pagsusuring Pampanitikan, tanungin ang mga estudyante kung anong mahahalagang aral ang napulot nila mula rito.
- Lagumin ang aralin batay sa sagot ng mga estudyante at ayon sa mga layuning pampanitikan ng aralin.
Takdang-aralin
- Ipabasa ang seleksiyong "Ang Alibughang Anak" sa pahina 14 ng batayang aklat.
- Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga salitang ginagamit sa pagsusunod-sunod ng pangyayari; ipabasa ang aralin sa mga pahina 14 at 15.
Integrasyon sa Gramatika
Pagbabalik-aral at Pagganyak
- Magpakita sa mga estudyante ng hiwa-hiwalay na mga larawan tungkol sa isang pangyayari, gawain, o kuwento.
- Atasan silang iayos ang mga ito ayon sa pagkakasunod-sunod. Pagkatapos, itanong kung ano ang kanilang naging gabay sa pagsusunod-sunod ng mga larawan.
Pagsusuri at Pagtalakay
- Ipabasa nang tahimik ang seleksiyon sa Alamin Natin sa pahina 14. Pagkatapos, magkaroon ng pagpapalitan ng kuro-kuro gamit ang mga tanong na kasunod ng binasang seleksiyon.
- Talakayin ang paksa tungkol sa mga salitang ginagamit sa pagsusunod-sunod ng mga pangyayari ayon sa nakasaad sa Talakayin Natin sa pahina 14 at 15. Ipaisa-isa sa mga estudyante ang mga salitang kaugnay ng paksa.
- Hayaan din silang magbigay ng sariling pangungusap gamit ang mga salita sa pagsusunod-sunod ng mga pangyayari.
Pagsasanay at Paglalahat
- Ipagawa ang mga pagsasanay sa Himayin Natin sa mga pahina 15 at 16. Iwasto ang mga sagot sa gawain A.
- Pumili ng mga estudyante na magbabasa ng kanilang sinulat na talata sa gawain B at magbabahagi ng hindi malilimutang karanasan kasama ng kanilang pamilya. Gamitin ang sumusunod na pamantayan ng pagmamarka.
Pagbubuod
- Ipagawa ang mga gawain sa Pagtibayin Natin at Lagumin Natin sa pahina 17.
- Tumawag ng mga estudyante upang ibahagi ang kanilang mga sagot at upang lagumin ang mga natutuhan sa klase.
Takdang-aralin
- Ipabasa ang isang kabanata ng nobelang "Kung Mangarap Ka Nang Matagal" sa mga pahina 19 hanggang 26 ng batayang aklat.
- Ipasaliksik sa mga estudyante ang uri ng pamumuhay sa Singapore.