Yunit 1
Salamin ng Kahapon... Bakasin Natin Ngayon
Pamantayang Pangnilalaman: Naipamamalas ang pag-aaral ng mga akdang pampanitikan sa panahon ng mga katutubo, Espanyol, at Hapones
Pamantayan sa Pagganap: Nakabubuo ng isang makatotohanang proyektong pananaliksik
Pamantayan sa Pagganap: Nakabubuo ng isang makatotohanang proyektong pananaliksik
Pangkalahatang Layunin ng Yunit 1
- Nabibigyang-kahulugan ang mga talinghagang ginamit sa teksto
- Natutukoy ang mahahalagang kaisipan mula sa mga napakinggang karunungang-bayan sa panahon ng katutubo, Espanyol, at Hapones
- Nakasusulat ng sariling bugtong, salawikain, o kasabihan na angkop sa kasalukuyang kalagayan
- Aktibong nakikilahok sa mga pagsasanay at talakayan sa klase
- Nakabubuo ng isang makatotohanang proyektong pananaliksik
Panimula
Ang Yunit 1: Salamin ng Kahapon…Bakasin Natin Ngayon ay naglalahad ng mga akdang pampanitikang lumaganap sa panahon ng katutubo, Espanyol, at Hapones. Tinatalakay sa yunit na ito ang mga akdang pampanitikan tulad ng mga karunungang-bayan, alamat, epiko, at tula na naglalarawan sa mga katangian ng mga sinaunang Pilipino.
Sa yunit ding ito inaasahang matututuhan ng mga estudyante ang kasanayan at kaalaman sa gramatika tulad ng paghahambing, pang-abay na pamanahon at panlunan, mga tayutay, mga hudyat ng sanhi at bunga ng mga pangyayari, at mga pahayag sa pagsasaayos ng mga datos. Magagamit nila ang mga kaalamang ito upang makasulat ng sariling karunungang-bayan, alamat, at tula at upang makabuo ng isang proyektong pananaliksik tungkol sa mga akdang nagpapakita ng katutubong kulturang Pilipino.
Sa yunit ding ito inaasahang matututuhan ng mga estudyante ang kasanayan at kaalaman sa gramatika tulad ng paghahambing, pang-abay na pamanahon at panlunan, mga tayutay, mga hudyat ng sanhi at bunga ng mga pangyayari, at mga pahayag sa pagsasaayos ng mga datos. Magagamit nila ang mga kaalamang ito upang makasulat ng sariling karunungang-bayan, alamat, at tula at upang makabuo ng isang proyektong pananaliksik tungkol sa mga akdang nagpapakita ng katutubong kulturang Pilipino.
Mahahalagang Tanong Para sa Yunit 1
- Bakit mahalagang maunawaan ang mga akdang pampanitikan mula sa panahon ng mga katutubo, Espanyol, at Hapones?
- Paano makatutulong ang kaalaman sa iba’t ibang uri ng pagpapahayag at tuntuning panggramatika sa pagsulat ng mga karunungang-bayan, alamat, epiko, at tula (tanaga, haiku, at senryu)?
Mga Layunin para sa Panimulang Pagtataya
- Nailalahad ang dating kaalaman at kasanayan sa mga akdang pampanitikan sa pamamagitan ng panimulang pagtataya
- Nailalarawan ang dating kaalaman sa gramatika at retorika sa mga paksang may kinalaman sa paghahambing, mga tayutay, mga pang-abay na pamanahon at panlunan, karaniwan at masining na paglalarawan, mga pangungusap na nangangatwiran, at mga hudyat ng sanhi at bunga ng mga pangyayari
Pamamaraan
Panimula at Pagganyak
- Ihanda ang mga estudyante para sa panimulang pagtataya. Ipaliwanag sa kanila na layunin ng pagtatayang ito na malaman ang kanilang dating kaalaman at kasanayan, gayundin ang mga bagay na hindi pa nila nalalaman.
- Ipaalam din sa mga estudyante na ang iskor na kanilang makukuha ay hindi itatala, bagkus ay magiging gabay lamang ng guro.
Pagsusuri at Pagtalakay
- Pasagutan sa mga estudyante ang Panimulang Pagtataya para sa Yunit sa mga pahina 2 hanggang 5 ng batayang aklat.
- Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante sa pagsagot ng panimulang pagtataya.
- Itsek ang mga kasagutan ng mga estudyante. Tumawag ng tatlo hanggang limang estudyante upang ibigay ang kanilang kasagutan sa pagtataya. Pagkatapos, itama ang anumang pagkakamali nila.
Pagbubuod
- Ipabuod ang mga kasagutan ng mga estudyante ayon sa layunin ng pagtataya. Ipaisa-isa rin ang kanilang mga saloobin ukol dito.
- Tanungin ang mga estudyante kung ano ang inaasahan nilang matutuhan sa yunit matapos sagutan ang pagtataya.
Takdang-aralin
- Ipabasa ang teksto sa Basahin Natin sa mga pahina 7 hanggang 11 ng batayang aklat.
- Pasagutan ang tanong: Bakit mahalagang unawain at pag-aralan ang mga karunungang-bayan tulad ng bugtong at salawikain bilang akdang pampanitikan?
- Sabihin sa mga estudyante na magsaliksik tungkol sa karunungang-bayan bilang akdang pampanitikan at maghanda para sa malayang talakayan tungkol dito.