Aralin 1
Pamana ng Lahi
Mga Paksang Aralin
Panitikan: “Talinghaga sa Palasintahan”
Gramatika: Paghahambing
Gramatika: Paghahambing
Mga Layunin
- Nabibigyang-kahulugan ang mga talinghagang ginamit sa pangungusap
- Nakasusulat ng sariling bugtong, salawikain, sawikain, o kasabihan na angkop sa kasalukuyang kalagayan
- Nagagamit ang paghahambing sa pagbuo ng bugtong, salawikain, sawikain, o kasabihan
- Napahahalagahan ang mga karunungang-bayan sa pamamagitan ng paggamit nito sa pang araw-araw na komunikasyon
Mga Kagamitan
- batayang aklat na Bulwagan 8 Kamalayan sa Gramatika at Panitikan, mga pahina 6–19
- makulay na papel
Bilang ng Sesyon: 4 (isang oras sa bawat sesyon)
Mahahalagang Tanong
- Paano maisasabuhay ang pamanang kalinangan tulad ng mga karunungang-bayan?
- Paano makatutulong ang paggamit ng paghahambing sa pagbuo ng mga karunungang-bayan?
Pamamaraan
Panimula at Pagganyak
- Itsek ang takdang-aralin.
- Tumawag ng dalawa o tatlong estudyante upang ibahagi ang kanilang kasagutan sa takdang-aralin.
Pagpapayaman ng Talasalitaan
- Ipagawa ang gawain sa Talasik sa pahina 12 ng batayang aklat.
- Tumawag ng dalawa o tatlong estudyante upang ibahagi ang kanilang kasagutan sa mga tanong.
Pagsusuri at Pagtalakay
- Ipagawa ang panimulang gawain sa Pagsusuring Pampanitikan sa pahina 7 ng batayang aklat. Ipasagot din ang mga kasunod na tanong.
- Tumawag ng dalawa o tatlong estudyante upang ibahagi ang kanilang kasagutan. Magkaroon ng talakayan tungkol dito.
- Bilang paghahanda sa tekstong babasahin, ipabasa at talakayin ang nakasaad sa Tandaan sa pahina 8 ng batayang aklat tungkol sa manunulat na si Lope K. Santos.
- Ipabasa nang tahimik ang “Talinghaga sa Palasintahan” sa mga pahina 7 at 8, gayundin ang diskusyong kasunod nito sa mga pahina 8 hanggang 11. Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras para sa pagbasa.
- Magkaroon ng malayang talakayan tungkol sa binasang teksto. Gawing gabay sa talakayan ang mga katanungan sa Muling Pag-isipan sa pahina 12 ng batayang aklat. Idagdag ang sumusunod na mga tanong:
a. Paano maisasabuhay ang pamanang kalinangan tulad ng mga karunungang-bayan?
b. Ano-anong mahahalagang saloobin ang makukuha sa mga karunungang-bayan? - Ipasulat sa pisara ang mahahalagang konseptong nakuha ng mga estudyante mula sa tekstong binasa. Pagkatapos, ipapaliwanag sa kanila ang mga ito.
- Lagumin ang mga konseptong nabuo ng mga estudyante.
- Ipaliwanag ang sumusunod na mahahalagang konsepto mula sa binasang teksto.
a. Ang bugtong ay ginagamit upang libangin ang mga tao sa oras na wala silang ginagawa.
b. Ang bulong ay isang matandang katawagan sa orasyon na ginagamit sa panggagamot, pangkukulam, o pang-eengkanto.
c. Ang kasabihan ay karaniwang ginagamit sa panunukso o pagpuna sa kilos ng isang tao.
d. Ang palaisipan ay naglalahad ng isang sitwasyon na may suliranin.
e. Ang salawikain ay mga butil ng karunungan na nagbibigay ng mabuting payo at mga paalaala.
f. Ang sawikain ay paraan ng pananalita na gumagamit ng tayutay upang maging kaaya-aya ang pagpapahayag. - Ipaunawa sa mga estudyante na maisasabuhay ang mga pamanang kalinangan tulad ng mga karunungang-bayan sa pamamagitan ng paggamit sa mga mensaheng nais ipahatid nito sa pang-araw-araw na buhay.
Pagsasanay
- Ipagawa sa mga estudyante ang mga gawain sa Masusing Gampanan sa mga pahina 13 hanggang 15 ng batayang aklat. Para sa gawain A, basahin ang sumusunod na mga bugtong at sawikain.
Mga Bugtong:
• Ang sawa pag gumapang, itlog ang naiwan (kamote)
• May binti walang hita, may tuktok walang mukha (kabute)
• Ako’y may kaibigan, kasama ko saanman,
Mapatubig ay di nalulunod, mapaapoy ay di nasusunog (anino)
• Manok kong pula, inutusan ko noong umaga,
Nang umuwi’y gabi na (araw)
Mga Sawikain:
• Samantalang may oras pa, ay maglaan kang maaga
Kung gumabi’t dumilim na, ay lalong maghihirap ka, gumawa’y nangangapa-ngapa
• Hindi sukat na maniwala, sa mga sabi at wika
Patag na patag ang lupa, sa ilalim ay may lungga
- Maaaring ipagawa ang ibang gawain nang isahan; ang iba nama'y maaaring ipagawa bilang pangkatang gawain. Iproseso ang mga sagot ng mga estudyante sa bawat gawain.
Paglalahat
- Matapos ang talakayan at mga gawain sa Pagsusuring Pampanitikan, tanungin ang mga estudyante kung anong mahahalagang aral ang napulot nila mula rito.
- Ipabuod ang aralin batay sa sagot ng mga estudyante at ayon sa mga layuning pampanitikan ng aralin.
Takdang-aralin
- Pag-aralan ang nilalaman ng Talakayin Natin tungkol sa paghahambing sa pahina 17 ng batayang aklat.
- Ipasagot ang tanong: Paano nakatutulong ang paggamit ng paghahambing sa pagbuo ng mga karunungang-bayan?
Integrasyon sa Gramatika
Pagbabalik-aral at Pagganyak
- Itsek ang takdang-aralin. Pumili ng tatlo o apat na estudyante upang talakayin ang kanilang kasagutan.
- Magbalik-aral tungkol sa tinalakay noong nakaraang pagkikita.
Pagsusuri at Pagtalakay
- Ipabasa ang mga karunungang-bayan sa Alamin Natin sa pahina 16 ng batayang aklat. Ipasagot din ang mga tanong na kasunod nito.
- Talakayin ang kanilang mga sagot at iugnay sa pagtalakay tungkol sa paghahambing.
- Ipaisa-isa ang mga uri ng paghahambing ayon sa nakasaad sa Talakayin Natin sa pahina 17 ng batayang aklat.
- Itanong: Bakit mahalagang gamitin ang paghahambing sa pagbuo ng mga karunungang-bayan?
- Ipaliwanag ang mahahalagang konsepto mula sa talakayan tulad ng sumusunod:
a. Ang paghahambing ay tumutukoy sa pagkakaiba o pagkakatulad ng dalawa o higit pang tao, bagay, lunan, o pangyayari.
b. May dalawang uri ng paghahambing: ang paghahambing na magkatulad at ang paghahambing na di-magkatulad. - Tumawag ng mga estudyante upang magbigay ng sariling halimbawa ng mga pangungusap na ginagamitan ng iba’t ibang paghahambing.
Pagsasanay
- Ipagawa ang mga pagsasanay sa Himayin Natin sa pahina 18 ng batayang aklat. Iproseso ang mga sagot ng mga estudyante sa mga pagsasanay A at B.
- Ang karunungang-bayan na kanilang mabubuo sa gawain C ay maaari namang ipasulat sa makulay na papel at saka ipaskil sa bulletin board ng klase.
Pagbubuod
- Ipagawa ang mga gawain sa Pagtibayin Natin at Lagumin Natin sa pahina 19 ng batayang aklat.
- Ipabuod ang mga kasagutan ng mga estudyante ayon sa mga layunin ng buong aralin.
Takdang-aralin
- Ipabasa ang mga tanaga, haiku, at senryu sa Basahin Natin sa mga pahina 21 hanggang 25 ng batayang aklat.
- Ipasagot ang tanong: Bakit kung minsan ang mensahe ng isang tula ay nagbibigay ng kaalaman sa kasaysayan ng isang lahi?
Karagdagang Pagsasanay
A. Isulat ang ilang matatalinghagang pahayag na ginamit sa akdang “Talinghaga sa Palasintahan.” Gamitin ang sumusunod na linear chart.
B. Magsaliksik ng mga salawikain o kasabihan tungkol sa buhay (halimbawa: “Ang buhay ay parang gulong, minsan ay nasa ibabaw, minsan ay nasa ilalim”). Pagkatapos, isulat ang mga ito sa paligid ng salitang buhay sa isang graphic organizer katulad ng sumusunod.